-- Advertisements --

Napatunayan na umano na mayroong anomalya sa paggamit ni Vice President Sara Duterte sa kaniyang confidential at intelligence fund, kapwa bilang pangalawang pangulo at bilang kalihim ng Department of Education, ayon kay Bicol Saro Partylist Rep. Terry Ridon.

Ito ay matapos ang aniya’y maayos at kapani-paniwalang paglalahad ni Ramil Madriaga sa kaniyang nalalaman ukol sa CIF ni VP Sara.

Pangunahin dito ang paglalahad ni Madriaga ukol sa kaniyang ginawang pagdeliver sa naturang pondo sa tatlong magkakahiwalay na lugar, para ibigay sa ilang malalapit na kakilala ni VP Sara.

Maliban kay Madriaga, naglabas na rin aniya ang Commission on Audit ng Notice of Disallowance na nag-uutos kay VP Sara na ibalik ang kaniyang P73,287,000 na confidential funds (CIF) na nagamit ng kaniyang opisina noong December 2022.

Ito ay matibay at sapat na patunay aniya, na hindi maayos ang pagkagamit sa naturang pondo.

Ayon pa kay Ridon, matibay ding patunay ang patotoo ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nagsabing hindi totoong tao ang mga nakakuha o nagsilbing resipient ng CIF.

Maging ang resulta ng pagsusuri na ginawa ng National Bureau of Investigation (NBI) sa mga isinumiteng resibo ay malaking patunay din aniya sa nangyaring anomalya.