Naglabas na ng show cause order ang Land Transportation Office (LTO) laban sa may-ari gayundin sa drayber ng sports car na dumaan ng EDSA bus lane na ekslusibo lang sa mga pampublikong bus, ambulansya, at sasakyan ng gobyerno na may emergency.
Ipinahaharap ng LTO Intelligence and Investigation Division (IID) ang dayuhang may-ari ng pulang sports car at ang drayber nito sa darating na Lunes, Oktubre 24, alas-10 ng umaga.
Pinagsusumite rin sila ng nasusulat na paliwanag kung bakit hindi dapat masampahan ng administratibong kaso na Disregarding Traffic Sign (Sec. J (2), Title I, DOTC Joint Administrative Order No. 2014-01) at kung bakit hindi dapat masuspindi o mabawi ang lisensya ng drayber dahil sa kasong Improper Person to Operate a Motor Vehicle as per Sec. 27(a) or Republic Act 4136.
Ipinaalala ng LTO na kung hindi magsusumite ng kaukulang dokumento o tugon ang mga ipinatatawag ay pagsuko ito ng kanilang karapatan na mapakinggan at ang kaso ay dedesisyunan nang naaayon sa kasalukuyang ebidensya na hawak ng ID.
Ang kautusan ay nag-ugat nang pumasok umano sa linya ng EDSA bus carousel ang pulang Ferrari na ekslusibong daan ng mga public utility bus at mga sasakyan ng gobyerno, law enforcement at medical na may emergency.