-- Advertisements --

Inisyuhan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang walong bus companies dahil sa iligal na taas-pasahe nang walang pag-apruba mula sa pamahalaan.

Ayon kay LTFRB chairperson Vigor Mendoza II, nahaharap ang naturang mga kompaniya ng bus sa posibleng suspensiyon o ganap na kanselasyon ng kanilang certificate of public convenience, isang mahalagang dokumento para sa mga operasyon ng pampublikong transportasyon.

Kabilang sa mga pinapatawag ang ilang bus companies na nago-operate sa mga ruta sa Bicol Region. Idinahilan umano ng mga kumpaniya ang mataas na presyo ng langis para sa umento sa pasahe.

Aniya, nauunawaan nila ang mga hamon na kinakaharap ng mga kumpaniya ng mga bus at iba pang operators ng pampublikong sasakyan subalit hindi dapat magamit ang mga ito bilang rason o dahilan para labagin ang mga umiiral na regulasyon bilang kapinsalaan ng mga komyuter.

Giit ng LTFRB Chief, hindi ito katanggap-tanggap at dapat silang magpaliwanag kung bakit hindi sila parusahan.

Kaugnay nito, minamandato ang walong bus companies na magsumite ng pormal na paliwanag sa loob ng 10 araw pagkatanggap ng show cause order at idetalye kung bakit hindi sila dapat parusahan para sa pagpataw ng karagdagang pasahe.

Nag-isyu rin ang LTFRB ng cease and desist order, na nag-aatas sa lahat ng apektadong kumpaniya na agad itigil ang labis na singil sa pasahe mula sa pasahero.

Itinakda ang formal hearing sa lahat ng walong kumpaniya ng bus sa Abril 23.

Nagbabala naman ang ahensiya sa mga kumpaniya na mabibigong magsumite ng paliwanag o dumalo sa pagdinig na maaaring maharap sa multa at karagdagang parusang administratibo.