Mas pinalakas pa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagsasagawa ng mga inspeksyon sa mga bus at terminals ngayong Semana Santa para sa inaasahang dami ng pasahero ngayong linggo.
Ayon kay LTFRB Chairperson Vigor Mendoza II, bilang bahagi ng taunang exodus at inaasahang dami ng mga sasakyan at motorista sa mga lansangan, minabuti na ng tanggapan na magsagawa ng mga security inspections sa mga bus upang masiguro ang commuter’s safety at maiwasan ang ilang mga aksidente sa daan.
Kasunod nito, kinumpirma ni Mendoza na ilang mga terminal at operators ang naisyuhan na ng mga show-cause orders dahil sa mga nakitang paglabag partikular na pagdating sa road-worthiness ng mga bus habang ang iba naman ay dahil sa physical at mental readiness ng mga drivers nito.
Ani Mendoza, ang mga paglabag na ito ay dapat walang mga excuses at tiniyak na ang mga makikitang paglabag o lalabag ay pagpapaliwanagin at mumultahan.
Samantala, bilang katuwang ng transportation authorities, hinimok naman ng Philippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang mga motorista na ugaling magkaroon ng mahabang pasensya at gawing prayoridad ang road safety sa bawat biyahe ngayong Holy Week.
















