Pansamantalang sinuspendi ng 30 araw ang 26 na pampasaherong bus ng Victory Liner, Inc. matapos ang banggaan ng dalawang bus nito at nadamay ang isang SUV noong gabi ng Sabado, Mayo 31 na ikinasawi ng isang pasahero at ikinasugat ng mahigit 90.
Ayon kay Land Transportation chairman Vigor Mendoza, pinagpapaliwanag na nila ang kompaniya kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang prangkisa nito kaugnay sa insidente.
Iniimbestigahan na rin aniya ng ahensiya ang insidente para matukoy ang lawak ng pananagutan ng bus company.
Subalit sa ngayon, pinagtutuunan nila na mabigyan ng medical attention ang lahat ng 95 nasugatan sa insidente lalo na ang mga naka-confine sa tatlong ospital sa Benguet at La Union.
Nakikipag-ugnayan na rin ang LTFRB sa bus company at sa insurance provider para matiyak na maibigay ang insurance payment sa mga biktima sa lalong madaling panahon at hindi rin anila hahayaang mag-antay ng matagal ang mga pasahero na matanggap ang kanilang kinakailagang tulong.
Nitong gabi ng Lunes, naglabas din ng pahayag ang bus company at sinabing buong paggalang nilang kinikilala ang naging desisyon ng ahensiya.
Kaugnay ng suspensiyon, hindi muna bibiyahe ang mga bus nito sa ilang ruta kabilang na ang Dagupan-Baguio, PITX-Tuguegarao at Sta. Cruz, Zambales – Baguio.
Base sa ulat ng pulisya, nawalan umano ng preno ang isang bus ng Victory Liner kaya bumangga ito sa kasalubong na bus ng parehong kompaniya at sa kasunod nitong SUV bago tuluyang tumaob.
Kinumpirma naman ng mga awtoridad na isang pasahero ng bus ang nasawi na residente ng La Trinidad, Benguet habang ginagamot noon sa Baguio General Hospital.















