-- Advertisements --

Suportado ng Lawyers for Commuters Safety and Protection o LCSP ang posibleng pagpatupad ng dagdag-pasahe sa mga pampublikong sasakyan, kung ito ay magiging makatuwiran at dumaan sa masusing pag-aaral ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu, sinabi ni LCSP Founder Atty. Ariel Inton na nauunawaan ng kanilang grupo ang nararanasang paghihirap ng mga operator at tsuper, lalo na’t hindi pinagbigyan ng pamahalaan ang panawagang suspendihin ang excise tax sa produktong petrolyo.

Ayon kay Inton, bagama’t makatutulong ang ayuda, hindi ito ang pangmatagalang solusyon sa suliranin ng sektor ng pampublikong transportasyon.

Aniya, ang pondo para rito ay nagmumula rin sa kaban ng bayan.

Naniniwala rin ang grupo na mababalanse ng LTFRB ang interes ng mga commuter at kabuhayan ng mga nasa sektor ng transportasyon.

Dagdag pa niya na isinasaalang-alang din umano ng ahensya ang magiging epekto ng anumang dagdag-pasahe sa inflation, presyo ng mga pangunahing bilihin, at araw-araw na gastusin ng mga pamilyang umaasa sa pampublikong transportasyon.

Umaasa naman ang abogado na kung magkakaroon ng provisional fare increase, ito ay magiging katanggap-tanggap sa lahat ng sektor at makatutulong upang makatawid ang industriya ng public transport.

“Nawa’y maging acceptable sa lahat kung sakaling magkakaroon ng fare increase,alam naman natin na di napagbigyan ng pamahalaan ang suspensyon ng excise tax sa petroleum products. At kung magkakaroon naman ng panibagong pagbibigay ng ayuda, welcome pa rin yan pero hindi yan ang matagalang solusyon pagdating dito,” saad pa nito.

Binigyang-diin din niya na kapag hindi nakayanan ng mga operator at tsuper ang patuloy na pagbiyahe, ang pinakamalaking maaapektuhan ay ang mismong mga pasahero.

Samantala, inaabangan din ng grupo kung mabibigyang-pansin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga pangunahing suliranin ng public transport sector sa kanyang State of the Nation Address (SONA) sa Lunes, Hulyo 27.