Patuloy pa rin ang fire fighting at search and rescue operations ng Philippine Coast Guard (PCG) sa nasunog na passenger cargo vessel na MV June Aster sa karagatang sakop ng Barangay Marcilla, Coron, Palawan.
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemi Cayabyab, sumiklab ang apoy bandang 6:45 ng gabi noong Setyembre 9 at patuloy pa rin ang pag-apula rito ngayong umaga.
Kumpirmadong lima na ang nasawi sa insidente at kasalukuyan nang ipinagbibigay-alam sa kanilang mga pamilya, bagama’t patuloy pa ring inaalam ang kanilang mga pagkakakilanlan.
Umalis ang barko mula Baseco Port sa Maynila na may kabuuang 134 na sakay, kabilang ang 117 pasahero at 17 crew members. Sa ngayon, 42 pa lamang ang matagumpay na nasagip, na kinabibilangan ng 38 pasahero at 4 na tripulante, habang pinaghahanap pa ang 87 iba pang nawawala.
Samantala, patuloy na inaalam ang sanhi ng sunog at pinag-aaralan kung luma na ang barko, ngunit tiniyak ng PCG na regular ang kanilang inspeksyon at maintenance sa mga ganitong sasakyang-dagat.
Tiniyak din ng mga awtoridad na wala pang na-monitor na oil spill sa lugar at nanawagan si Cayabyab sa mga pamilya ng mga posibleng sakay na agad iulat sa kanila ang mga nawawalang kaanak.
















