Naging ganap na tropical depression na ang low pressure area (LPA) sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) at posible pang lumakas sa susunod na 24 oras, ayon sa Pagasa.
“The low pressure area outside the Philippine area of responsibility southeast of Palau has developed into a tropical depression,” saad ng Pagasa sa kanilang advisory.
Dahil sa anila’y favorable environmental conditions ay maaring maabot nito ang typhoon category pagsapit ng Martes ng gabi o sa Miyerkules ng umaga.
Base sa kasalukuyang track at intensity forecast ng Pagasa, lumalabas na mayroong moderate to high chances na magkaroon ng tropical cyclone wind signal (TCWS) sa Visayas at Mindanao sa mga susunod na araw.
Inasahan namang kikilos ang tropical depression na ito sa west northwest na direksyon sa susunod na tatlong araw at maaring makapasok sa PAR sa Martes.
Sa oras na makapasok na ito sa PAR, sinabi ng Pagasa na tatawagin na ang tropical cylone na ito bilang “Odette.”