Tuluyan nang nalusaw ang Low Pressure Area (LPA) na nasa kanlurang bahagi ng La Union, batay sa monitoring ng state weather bureau.
Sa inilabas na report ng ahensiya kaninang hapon, June 19, tuluyang nalusaw ang naturang weather system ilang araw mula noong nabuo sa kanlurang bahagi ng Pangasinan.
Sa kasalukuyan ay walang ibang LPA na binabantayan ang weather bureau na maaaring mabuo bilang tropical cyclone.
Gayunpaman, nananatling nagdudulot ng mga pag-ulan ang ilang weather system na umiiral sa bansa tulad ng easterlies, intertropical convergence zone, at localized thunderstorm, na maaaring magdulot ng mga biglaang pagbaha sa ilang mga lugar.
Ngayong araw, inilabas din ng weather bureau ang General Flood Advisory sa sampung rehiyon sa bansa na kinabibilangan ng Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Zamboanga Peninsula, Davao Region, Soccsksargen, Caraga, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Inaabisuhan ang mga local disaster risk reduction management council na bantayan ang sitwasyon sa mga mababang lugar at maglabas ng akma at napapanahong abiso.