Ikinokonsidera ng Department of justice (DoJ) ang posibilidad na pag-isyu ng lookout bulletin, sa tulong ng Bureau of Immigration (BI), para sa mga nagtatagong suspek sa John Matthew Salilig hazing case.
Ayon kay DoJ spokesman Asec. Mico Clavano sa panayam ng Bombo Radyo, gagawin nila ang lahat ng effort para mahabol at mapanagot ang mga sangkot sa hazing.
Pero paglilinaw nito, mananatiling inosente ang pagtrato nila sa mga suspek hangga’t walang probable cause na naipepresenta ang mga imbestigador sa kaugnayan ng mga hinahabol na personalidad.
Umapela rin si Clavano sa mga may alam sa kinaroroonan ng mga suspek, lalo na ang mga magulang ng mga ito, na sila na mismo ang humikayat para sumuko ang mga ito sa otoridad.
Maging ang ibang maaaring makapagbigay ng dagdag na detalye sa kaso ay malugod umanong tatanggapin ng kagawaran.