-- Advertisements --

Masaya at abot-langit ang tuwa ng isang 23-anyos na Cebuano matapos itong nag-Rank 4 sa inilabas na resulta ng April 2025 Electrical Engineering Licensure Examination.

Si Engr. Omar Lusares na tubong Apas Cebu City at nagtapos bilang Magna Cum Laude sa Cebu Institute of Technology-University ay nakakuha ng 92.60% rating.

Sa ekslusibong panayam ng Star FM Cebu kay Lusares, masayang ibinahagi nito ang kanyang sekreto tungo sa kanyang natamong tagumpay bago pa man ang naturang pagsusulit.

Aniya, isa umano sa mga epektibong paraan na ginawa nito upang makuha at makabisado ang mga formula o objective ng exam ay ang paulit-ulit at palagiang pagsusulat nito sa papel.

Aminado ang binata na mahina ito sa memorization kaya’t naghanap umano ito ng paraan upang mas madali nitong makabisado ang mga aralin.

Dagdag pa nito na inaasahan na niyang makapasok sa Top 10 at sa katunayan ay siya lamang ang nag-iisang Cebuanong pasok sa listahan.

Malaki pa ang naitulong ng nag-uumapaw na suporta at inspirasyon mula sa kanyang mga magulang, mga coaches, kaibigan at maging sa kanyang sarili.

Kwento pa nito na dati pa man ay gusto na niyang maging engineer kaya’t pinili nito ang naturang kurso at natupad nga ang kanyang pangarap.

Payo naman nito sa mga nagbabalak na tahakin ang electrical engineering na kurso ay mag-pokus sa mga aralin at hangga’t maaari ay iwasan ang mga bagay na makagambala sa pag-aaral.

Dapat din aniyang ipagpatuloy ang learning style at techniques na nakasanayan na makakatulong at para hindi mahirapan pagdating na sa licensure exam.