CEBU CITY – Kakasuhan ng acts of lasciviousness sa araw ng Lunes ang isang 75-anyos na lolo matapos itong manghipo ng isang 18-anyos na dalagita sa loob ng isang bus.

Kinilala ang suspect na si Virgilio Quijano at residente ng Carcar City, Cebu.

Una rito, nakatanggap ng tawag ang Carbon Police Station galing sa Cebu South Bus Terminal na may ipapahuli umano ang isang dalagita.

Ayon kay P/Maj. Rangy Caballes, hepe ng Carbon Police Station, base sa salaysay ng biktima na natutulog umano siya sa loob ng bus ng maramdaman niyang parang may humipo sa kanyang binti.

Noong una ay binalewala lang umano niya ito sa pag-aakalang hindi sinasadya ng matandang katabi niya.

Pero nang muli umano siyang umidlip ay ipinasok na ng suspect ang kamay nito sa loob ng kanyang palda at hindi pa nakontento, sinubukan rin umano nitong ipasok ang kamay sa loob ng kanyang blouse.

Pagdating ng terminal ay agad na nagsumbong ang biktima.

Nakadetine ngayon ang naturang lolo sa Carbon detention cell, habang galit at disidong magsampa ng kaso ang pamilya ng biktima.