KALIBO, Aklan—Naitala ang kabuuang 200,165 tourist arrival sa isla ng Boracay sa buwan ng Marso sa gitna ng kinakaharap na energy crisis ng bansa dahil sa nagpapatuloy na Middle East tension.
Nananatiling maunlad ang turismo sa isla matapos na itampok ang isla sa B2B Tourism Engagement Program 2026 sa Kuala Lumpur, Malaysia, pagbalik ng mga international cruise ship at domestic travelers.
Ayon kay Caticlan port administrator Esel Flores, umaabot ng nasa 6,500 ang tourist arrival bawat araw kung kaya’t nitong Marso ay nakatala ng 164,922 domestic tourist; 2,318 overseas Filipinos at 32,925 naman ang foreign tourist.
Ngunit, hindi aniya matiyak kung maitala pa rin o malampasan ngayong taon ang 12,000 tourist arrival noong Biyernes Santo 2025 dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng produktong petrolyo na nagpapahirap sa mga bakasyunista lalo na ang mga naglalakbay by land.
Simula ngayong Huwebes Santo ay inaasahan na ang pagdagsa ng mga inbound at outbound passengers sa Caticlan Port mula sa Batangas at Mindoro port.
















