-- Advertisements --

Inihayag ngayon ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno na ang mga pagkakautang sa mga bangko, sanglaan at iba pang lending institutions gaya ng SSS, GSIS at Pag-Ibig sa Setyembre ay maaaring bayaran o simulang bayaran sa Nobyembre na o makalipas ang 60 araw na moratorium.

Ang nasabing moratorium ay nakapaloob sa Bayanihan 2 para matulungan at mapagaan ang pasanin ng mga apektado sa COVID-19.

Sinabi ni Gov. Diokno, inaasahang anumang araw ngayon ay malalagdaan ni Pangulong Duterte ang panukalang batas at magiging epektibo pagkalagda kaya sa Setyembre na ito epektibo.

Ayon kay Gov. Diokno, maging ang mga amortisasyon sa mga sasakyan at bahay na idinaan sa bangko ay saklaw din ng 60-day moratorium.

Kasabay nito, nagpaalala si Diokno sa mga bangko na walang dapat ipapataw na penalty for late payment at wala ding ipapataw na interest sa ineterest ng inutang ng creditor.

Nagbabala ang BSP governor sa mga bangko at mga pawnshops na batay sa Bayanihan 2, maaari silang kasuhan kung hindi susunod sa nasabing probisyon.