Tuluyan nang pinapanagot ng Philippine National Police ang motoristang si Wilfredo Gonzales na nanampal at nagkasa ng baril laban sa isang siklista sa Quezon City.
Ito ay matapos na tuluyan nang i-revoke ng Civil Security Group ang License to Own and Possess Firearms, at Permit to Carry Firearms Outside Residence ni Gonzales nang dahil sa pagkakasangkot sa naturang insidente.
Ayon kay PNP-PIO Chief PBGEN Redrico Maranan, dahil dito ay hindi na kailanman maaring makapagmay-ari pa ng baril ang nasabing retiradong pulis.
Kaugnay nito ay tuluyan na ring kinumpiska ng PNP-Firearms and Explosives Office na pinangungunahan ng Director nito na si PBGEN Kenneth Lucas ang tatlong 45 caliber na baril ni Gonzales na hiwalay pa sa 9mm na baril na isinurender niya sa Quezon City Police District kasabay ng kaniyang pagsuko sa pulisya.
Kung maaalala, una nang sinabi ni QCPD Director PBGEN Nicolas Torre III na mahaharap sa kasong administratibo si Gonzales sa kadahilanang noong Agosto 8 pa nangyari ang naturang insidente kung saan nag-ayos at nagkaroon na rin ng kasunduan ang dalawang sangkot dito bagay na itinanggi munang ibahagi ni Gonzales ang nilalaman sa ngayon.
Ngunit paglilinaw ni Torre, sa kabila nito ay nananatili pa ring bukas ang kanilang tanggapan sa anumang reklamong nais isampa ng sinuman laban kay Gonzales basta’t ito ay mayroong karampatang ebidensya, at kayang mapanindigan hanggang sa korte.
Matatandaan din na sa kaniyang pagsuko sa pulisya kasabay ng pagsusurrender ng kaniyang baril at sasakyan ay nanawagan naman si Gonzales sa mga nagpapakalat ng video ng nasabing insidente na alamin muna ang puno’t dulo ng pangyayari dahil maging ang kaniyang pamilya aniya ay nadadamay sa hate comments na kanilang natatanggap.