-- Advertisements --
image 317

Nangako si Senate President Juan Miguel Zubiri na masusi nilang pag-aaralan ang panukalang Maharlika Investment Fund nang walang pagkaantala sa proseso kasunod ng panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Kanilang sisimulang pag-aralan ang bersiyon ng Kamara at ang panukalang pagpolido sa mga amyenda.

Sinabi din ni Sen. Zubiri na kokonsulta sila sa lahat ng sektor at ilalatag ang pangunahing batayan kung bakit kailangan ang naturang pondo at kung sakali man na talagang kailangan ay aalamin kung ano ang mga angkop na safeguards para hindi ito maging kasangkapan ng katiwalian at hindi tamang pamamahala.

Pero ayon naman kay Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III na mas mainam na huwag na lamang pilitin na isulong ang nasabing panukala kung wala talagang katwiran, dahilan at puhunan para sa paglikha ng isang sovereign Wealth Fund sa bansa.

At pinayuhan ang pamahalaan na pagtuunan na lamang ang ibang mga isyu gaya ng produksiyon ng pagkain, mataas na inflation at presyo ng mga basic commodities.

Magugunita, kahapon, Enero 23, inihain ng baguhang Senator Mark Villar ang kaniyang bersiyon ng Maharlika Investment Fund sa Senado.