Nagprotesta ang libu-libong katao sa Ankara, Turkey kung saan ipinananawagan ng mga ito ang pagbibitiw na sa pwesto ni President Recep Tayyip Erdogan.
Ginawa ng ilang mamamayan sa naturang bansa ang rally kasunod ng maraming taon nang legal crakdown sa mga miyembro ng Republican People’s Party (CHP) gayundin ang nakaambang pagpapatalsik sa kasalukuyang lider ng Republican People’s Party (CHP) at lider ng Main Opposition na si Ozgur Ozel sa gitna ng nakatakdang paghatol ng korte ngayong Lunes, Setyembre 15.
Sa pagdinig ngayong araw, nakatakdang baliktarin ang resulta ng botohan sa CHP congress noong Nobiyembre 2023 dahil sa umano’y nangyaring pandaraya sa mga boto.
Subalit bilang pagpapakita ng pagtutol sa pagdinig laban sa Opposition leader, nagtipun-tipon ang mga miyembro ng partido sa Tandogan Square sa Ankara, gabi bago ang pagdinig ngayong araw. Sa isang footage, maririnig ang mga protester na sumisigaw para sa pagbibitiw ng Pangulo ng Turkey habang iwinawagayway ang bandila ng kanilang bansa at banners ng partido.
Kinondena naman ni Ozel ang isasagawang pagdinig bilang parte ng umano’y kudeta ng gobyerno ng Turkey laban sa oposisyon. Tinawag din niya ang kaso na politically-motivated at ang mga alegasyon ay isang uri ng slander.
Una rito, ilang daang miyembro na rin ng naturang partido ang naikulong dahil sa akusasyon ng korapsiyon at terorismo kabilang na ang pangunahing karibal sa pulitika ni Erdogan na si Istanbul Mayor Ekrem Imamoglu.