Iginiit ni Supreme Court Senior Associate Justice Marvic Leonen na dapat ay agad na nag-convene ang Senado bilang impeachment court kaugnay sa kaso laban kay Vice President Sara Duterte, batay sa salitang “forthwith” na nakasaad sa Konstitusyon.
Sa kanyang concurring opinion sa desisyon ng Korte Suprema, binigyang-diin ni Leonen na ang impeachment court mismo, at hindi lamang ang Senate President, ang dapat manguna sa pag-oorganisa ng paglilitis.
Ang pahayag ay kaugnay sa petisyon ni Catalino Generillo Jr. na humihiling na pilitin ang Senado na agad kumilos.
Gayunman, sa botong 14-0-1, ibinasura ng Korte Suprema ang naturang petisyon at itinuring itong moot.
Ayon sa desisyong isinulat ni Associate Justice Rodil Zalameda, kumilos naman ang Senado sa tamang panahon at walang itinakdang eksaktong deadline ang Konstitusyon kung kailan dapat simulan ang impeachment trial, maliban sa utos na ito ay dapat isagawa “forthwith,” na nakasalalay sa diskresyon ng Senado.
Binanggit din ng Korte na hindi angkop ang petisyon para sa mandamus, na ginagamit upang ipatupad ang malinaw na legal na tungkulin. Sa halip, itinuring ito bilang certiorari.
Binigyang-diin ng Korte na bilang co-equal constitutional body, hindi maaaring panghimasukan ng hudikatura ang mga aksyon ng Senado maliban na lamang kung may grave abuse of discretion.
Samantala, hindi nakibahagi sa botohan si Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa.
Idinagdag pa ng Korte na naging moot ang petisyon dahil nauna nang napawalang-bisa ang Articles of Impeachment laban kay Duterte noong nakaraang taon.
















