Nangako si House Speaker Lord Allan Velasco na hindi titigil ang pag-ikot ng legislative mill ng Kamara sa kabila ng mga hamon dulot pa rin ng COVID-19 pandemic.
Ginawa ito ni Velasco sa kanyang talumpati sa pagbubukas ng Kamara ng kanilang third regular session ngayong 18th Congress, na dinaluhan ng 298 na kongresista.
Asahan aniya na sa nalalabing buwan ng 18th Congress ay ilan pang mga panukalang batas ang kanilang aaprubahan na makakatulong sa pagbangon ng bansa mula sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Kabilang aniya sa kanilang mga prayoridad ay ang panukalang batas na magtatatag ng Virology Institute of the Philippines.
Tiniyak din ni Velasco na masusing hihimayin ng Kamara ang panukalang pondo para sa susunod na taon upang sa gayon ay masiguro na ito ay tutugon sa pagbangon ng bansa sa epekto ng pandemya.
Umaasa din ang lider ng Kamara na sa kanilang final year ay maging ganap na batas ang Foreign Investment Act, Public Service Act, POGO Tax at E-Sabong Tax.
Samantala, binigyan pugay ni Velasco si Pangulong Rodrigo Duterte, partikular na ang mga pagbabago na ginawa nito sa pamahalaan.
Sinabi pa nito na si Pangulong Duterte lamang ang pangulo sa mga nakalipas na administrasyon na napanatili sa higit 75% ang approval rating sa publiko.
Kinilala rin niya ang kontribusyon at sakripisyo ng mga medical frontliners sa gitna ng pandemya.
Pinuri rin ni Velasco ang mga Pinoy athletes na nasa Tokyo ngayon para sa 2020 Olympics.
Ang mga atletang ito ay nagsisilbi aniyang liwanag at pag-asa sa mga Pilipino sa panahon ng krisis.