Nilinaw ng kampo ni Vice President Sara Duterte na ang umano’y kawalan ng cash on hand at bank deposits sa kanyang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) mula 2019 hanggang 2024 ay hindi nangangahulugang hindi ito idineklara.
Ayon kay Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng depensa ng Bise Presidente, ang mga naturang assets ay isinama o “lumped” sa ilalim ng kategoryang “others” sa bahagi ng personal properties ng SALN.
Ipinaliwanag niya na sa halip na isa-isang ilista, pinagsama-sama ang cash, alahas, at iba pang personal na ari-arian sa iisang line item.
Lumabas ang isyu matapos ang pagdinig ng House justice committee kaugnay ng impeachment complaints laban kay Duterte, kung saan napansin ng mga mambabatas na walang nakahiwalay na deklarasyon ng cash on hand o bank deposits sa kanyang SALN mula 2019, kahit na lumaki ang kanyang net worth mula humigit-kumulang P55 million noong 2019 hanggang P88 million noong 2024.
Kinumpirma rin ng SALN custodian ng Office of the Ombudsman na batay sa isinumiteng dokumento, walang hiwalay na nakasaad na cash o deposits sa mga naturang taon.
Gayunpaman, sinabi ng kampo ni Sara Duterte na susunod nilang ipaliliwanag kung bakit nagbago ang paraan ng pagpresenta ng kanyang SALN, dahil sa mga naunang taon ay hiwalay na inililista ang cash.
Giit ng kanyang abogado, pinapayagan ang pagsasama-sama ng magkakaparehong uri ng personal properties sa SALN at hindi raw ito indikasyon na tinatago nila ang yaman ni VP Sara.
Nauna nang sinabi ni VP Duterte na “clean” ang kanyang service record at lahat ng kanyang ari-arian ay may legal na pinagmulan at kaukulang dokumento.
















