Nagmamadali na ngayon ang defense team ni Vice President Sara Duterte na makahanap ng bagong tagapagsalita kasunod ng ipinatupad na mas mahigpit na alituntunin sa sub judice rule ng Senate Impeachment Court.
Ayon kay Michael Poa, na kasalukuyang tumatayong abogador at tagapagsalita ng depensa, may malaking sense of urgency na mapalitan siya sa posisyon bilang spokesperson upang maiwasang malagay sa panganib ang kanilang kampo kung sakaling makapagsalita siya ukol sa mga paksang bawal pang talakayin sa labas ng paglilitis.
Paliwanag ni Poa, mahirap balansehin at tukuyin kung aling mga usapin sa impeachment trial ang pwedeng ilabas sa media, lalo’t siya rin ang mismong humaharap sa impeachment court bilang abogado.
Dahil dito, makikipag-usap siya muli kay VP Duterte upang pormal nang magtalaga ng hiwalay na tagapagsalita upang makatutok na lamang siya sa legal na proseso bilang counsel.
Batay sa ruling ng Impeachment Court, ang unang paglabag sa sub judice rule ay papatawan ng admonition, habang P30,000 na multa naman ang ipapataw sa bawat susunod na paglabag.
Maaari ring humarap sa hiwalay na reklamong administratibo sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang sinumang abogadong lalabag dito.
Nilinaw naman ni Poa na hindi obligadong abogado ang kukunin nilang bagong tagapagsalita, basta’t may kakayahan itong ipaliwanag nang malinaw at payak ang kumplikadong proseso ng paglilitis sa publiko at maipahayag nang pare-pareho ang opisyal na posisyon ng depensa.















