-- Advertisements --

Inanunsiyo ng pamahalaang lungsod ng Quezon na negatibo na sa African Swine Fever (ASF) ang La Loma, ang lechon capital of the Philippines.

Ayon sa lokal na pamahalaan, ang 14 na lechon stores sa La Loma ay cleared na mula sa ASF virus.

Ito ay matapos ang isinagawang araw-araw na disinfection sa loob ng isang linggo sa mga establishimento katuwang ang City Veterinary Department at QC Health Department bilang pagtalima sa memorandum ng Bureau of Animal Industry (BAI).

Maliban sa disinfection, inatasan ang 14 na tindahan ng lechon na sumunod sa kinakailangang sanitary, safety at health protocols.

Sa ngayon, nasa tatlo mula sa lechon stalls na ipinasara ang nabigyan na ng lifting order para muling magbukas matapos maipasa ang mga regulasyon.

Ipinangako naman ng QC LGU ang pagtulong sa mga negosyante upang matiyak ang pagsunod ng lahat sa mga protocol at mapanatiling dekalidad ang mga ibinibenteng lechon mula sa La Loma.