Suportado ng lawyers/commuters group ang ikakasang tatlong araw na nationwide transport strike bilang protesta ng mga transport group laban sa mga isyu ng katiwalian.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Atty. Ariel Inton, founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection, sinabi nito na nauunawaan nila ang hakbang ng mga transport group na magsagawa ng tigil-pasada.
Aniya, ito’y isang paraan upang iparating ang kanilang saloobin hinggil sa mga hindi natutugunang isyu tulad ng ghost projects at iba pang uri ng katiwalian na nagpapahirap sa mga drayber at operators.
“Hindi natin masisi ang hinaing ng Transport sector na sa pamamaraan ng pagtigil pasada nila ilabas ang kanilang damdamin sa korapsyon na nangyayari sa malawakang anomalya ng ghost projects at iba pang uri ng korapsyon,” saad ni Inton.
Bilang bahagi ng kanilang suporta, nanawagan ang grupo na huwag patawan ng multa o anumang parusa ang mga transport group at kanilang mga miyembro na lalahok sa protesta.
Ayon kay Atty. Inton, ang mga kasali sa tigil-pasada ay hindi kalaban, kundi mga mamamayan na nagsusulong ng makatarungang pagbabago para sa kanilang sektor at para sa mga pasahero.
“Pag karaniwan driver ang may traffic violation mabilis patawan ng parusa. Pero sa pagnanakaw ng bilyon bilyon nagtatakipan ang mga makapangyarihan. Tapos hanggang ngayon ang fuel subsidy ay di pa rin naibibigay,” dagdag pa nito.
Pinayuhan din ng grupo ang gobyerno na magpatupad ng mga alternatibong hakbang upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga pasahero sa panahon ng strike, at higit na tutukan ang mga ugat ng problema sa transportasyon kaysa sa pagbibigay parusa sa mga nagsasagawa ng protesta.
Sa kabila ng posibleng abala sa mga pasahero, iginiit nito na mas malaki at mas malalim ang mga problemang dapat unahin, tulad ng mga hindi natutugunang proyekto at katiwalian.
Dagdag pa ng abogado, “Totoo na maaring mahirapan mag commute ang mga pasahero pag may tigil pasada pero mas di hamak na hirap ang mga pasahero sa baha na dulot ng mga ghost flood control projects.”