-- Advertisements --

Nanawagan si Lanao del Sur First District Representative Zia Alonto Adiong sa mga nagsusulong ng secession o paghiwalay ng Mindanao sa Pilipinas na huwag itong gamitin bilang “political slogan”.

Sinabi ni Adiong na hindi dapat ipilit ang secession dahil lang sa pagpapahayag ng pagkadismaya sa mga usaping may kinalaman sa pulitika.

” Huwag ho natin gamitin ito na political slogan or tirahin because we are frustrated personally or politically sa mga nakaupong mga lider. Huwag po. Kasi it adds insult to the memory of those fallen and to the troops who have sacrificed their lives in order to protect the Philippines,” pahayag ni Adiong.

Matagal na aniyang ibinaon sa limot ang paghiwalay ng Mindanao at tiyak na walang susuporta sa nais isakatuparan nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at dating House Speaker Pantaleon Alvarez.

Ipinunto ni Adiong, maituturing na insulto sa mga nagbuwis ng buhay at nagsakripisyo pati na sa pagprotekta ng militar sa seguridad at integridad ng bansa ang pinalulutang na secession at independence ng Mindanao.

Dagdag pa nito, mas nakatuon ang kanilang pansin sa pagkakaisa at pagsuporta sa administrasyong Marcos lalo’t nagbubunga na umano ang ninanais na kaunlaran.

Iginiit ng kongresista na kung tutuusin ay may mga mauunlad na lungsod sa Mindanao tulad ng Davao at Cagayan De Oro kaya walang rason para sila ay humiwalay at masasayang din ang napagtagumpayang peace process na bahagi ng kasaysayan.

Dagdag pa ng Mindanaon solon na kuntento sila sa kasalukuyang set-up ng pamamahala sa ilalim ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

“The least that we can do is to honor their memories and keep this country intact. So let’s put it to rest. We want to join the Philippines. We embrace unity and let’s support this administration’s call for unity,” dagdag pa ni Rep. Adiong.