-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Walang nakuhang pagkakilanlan ang mga kasapi ng Santiago City Police Office Station 2 sa lalaking natagpuang patay sa gilid ng irrigation canal sa Purok-6 Patul, Santiago City.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan mula sa Presinto Dos, natagpuan ang bangkay ng isang lalaki sa nasabing lugar ng isang helper na si Ginoong Rey Garcia na napadaan lamang sa lugar.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMajor Roderick Guiyab, Hepe ng Presinto Dos na batay sa salaysay ni Garcia, papauwi na mula sa kanyang trabaho nang mamataan nito ang isang tao na nakasubsob sa talahiban pangunahin na sa gilid ng Irrigation Canal.

Bagamat nataranta ay nagawa ni Garcia na iulat ang kanyang nakita sa mga opisyal ng Barangay kung saan sila naman ang nagpaabot ng impormasyon sa himpilan ng pulisya na agad namang tinugunan.

Ayon sa mga residente at opisyal ng Barangay Patul, hindi nila kilala ang nasabing biktima kayat patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Station 2 sa mga kalapit lugar.

Ang biktima ay tinatayang 5’4” hanggang 5’6” ang tangkad, kayumanggi ang balat, payat, semi kalbo at tinatayang limampu’t lima hanggang animnapong taong gulang.

Nakasuot ng red polo shirt, Itim na shortpants, sandal ng kulay itim at mayroong suot na silver bracelet ang biktima.

Hinihintay pa ang resulta ng Autopsy na isinagawa ng Scene of The Crime Operatives Santiago na siyang magbibigay ng linaw sa tunay na ikinamatay ng lalaki.

Bukod sa parang may naidagan na mabigat na bagay sa mukha ng lalaki ay may peklat na nakita sa likurang bahagi ng katawan .

Nanawagan si Police Major Roderick Guiyab, hepe ng Presinto dos sa mga nawawalan ng mga kamag-anak na makipag-ugnayan lamang sa kanilang tanggapan.