CEBU CITY – Nahaharap sa kasong arson ang isang lalaki matapos nitong sunugin ang kanilang bahay sa Sitio Lower, Brgy. Manlapay, bayan ng Dalaguete, Cebu.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Dalaguete Police, nais umano sanang makipagtalik ng suspek na kinilalang si Jim Imban, 40-anyos.
Inihayag ni PEMSgt. Jorame Tanudtanud, investigator ng Dalaguete Police Station, humingi ng tulong ang asawa ng suspek na kinilalang si Rosemarie matapos sunugin ang kanilang bahay.
Sinasabing nakainom ng alak ang suspek at gusto nitong “maka-iskor” sa kanyang misis ngunit hindi pumayag ang biktima dahilan ng pag-amok umano ng suspek na nauwi pa sa panununog ng kanilang bahay.
Sa impormasyong nakuha ng otoridad, laging nag-aaway ang mag-asawa dahil sa pagiging lasinggero ng mister kung saan may mga pagkakataon din umano na nambubugbog pa ito kaya umiwas na raw si misis.