-- Advertisements --

Ikaapat na World title at bagong record, target ng PADS Adaptive Dragon Boat team sa 15th IDBF Club crew World championships sa Taiwan

Muling sasabak sa world stage ang Cebu-based PADS Adaptive Dragon Boat Team kung saan target ang ikaapat na world title at panibagong world record sa 15th International Dragon Boat Federation (IDBF) Club crew world championships sa Hualien, Taiwan.

Sa exclusibong panayam ng Star FM Cebu kay JP Maunes, founder at team manager ng PADS, sinabi nitong malaking karangalan para sa kanila na muling katawanin ang Pilipinas lalo na ang Cebu sa naturang World Championships.

Gaganapin ang kompetisyon mula Agosto 29 hanggang Setyembre 6, kung saan lalahok ang mga atleta mula sa 22 bansa, na may tinatayang 5,500 competitors.

Maglalaban ang mga kalahok sa 200-meter, 500-meter, at 2,000-meter races sa short boat at standard boat categories.

Para naman sa PADS Adaptive Dragon Boat Team, nasa 45 atleta ang kanilang dadalhin sa Taiwan, kabilang ang mga abled paddlers at may disability.

Matatandaang nakapag-uwi na ang PADS ng tatlong major world titles noong 2019, 2022 at 2023.

Ayon kay Maunes, higit sa titulo, nakatuon ang team sa pagbibigay ng karangalan sa Pilipinas.

Umaasa naman ito na sa dulo ng kompetisyon ay muling maitaas ng koponan ang bandila ng Pilipinas—sa pag-asang masungkit ang ikaapat na major world title at maitawid ang panibagong world record sa short at long-distance races.