-- Advertisements --

Hinimok ni Cebu Archbishop Alberto “Abet” Uy ang mga deboto na huwag lamang tumingin sa imahen ng Our Lady of Guadalupe, kundi sundan ang itinuturo nito—ang Diyos.

Sa kanyang homily sa Welcome mass kahapon, Setyembre 4, kasabay ng pagdating sa Cebu ng pilgrim image ng Our Lady of Guadalupe at San Juan Diego mula Mexico bilang bahagi ng Madre Peregrina de México Pilgrimage 2026 , sinabi ni Uy na laging itinuturo ni Maria ang kanyang Anak na si Hesus.

Ayon sa arsobispo, ipinapakita ng Birhen ng Guadalupe na nakikita ng Diyos ang mga taong madalas nakakaligtaan ng lipunan, kabilang ang mahihirap, mga pamilyang naghihirap, kabataan, matatanda at mga taong dumaranas ng kalungkutan at pagkabalisa.

Hinamon din ni Uy ang mga mananampalataya na suriin kung ano ang kanilang binibigyang-halaga sa buhay.

Aniya, sa halip na sarili, kayamanan o pagkakahati-hati ang manaig, dapat higit na palakihin ang presensya ng Diyos sa kanilang buhay sa pamamagitan ng pagtulong, pagpapatawad at paglilingkod sa kapwa.

Hinikayat din niya ang Simbahan na maging isang “listening Church” na nakikinig sa hinaing ng mahihirap, pamilya, kabataan at kalikasan.

Ngayong araw, isasagawa naman ang grand Guadalapana procession kung saan itatampok ang iba’t ibang replicas ng Our Lady of Guadalupe ng Archdiocese of Cebu.

Samantala, maaaring magbigay-galang at manalangin ang mga deboto sa pilgrim images na nakadambana sa Parish and Archdiocesan Shrine of Our Lady of Guadalupe de Cebu hanggang Linggo, Setyembre 6, na bukas 24 oras.