-- Advertisements --

Nasungkit ng Cebu-based PADS Adaptive Dragonboat Racing Team ang back-to-back gold medal sa 200-meter race ng PD2 Standard Boat at Small Boat categories nitong Huwebes, Setyembre 3.

Kasabay ng nagpapatuloy na 15th International Dragon Boat Federation Club Crew World Championships sa Taiwan, nagtala rin ang koponan ng bagong world record sa dalawang kategorya.

Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay JP Maunes, Team Manager ng PADS dragon boat team, sinabi nitong nalagpasan ng koponan ang dating world record na itinakda sa nakaraang world championship.

“Today is a very historic day because we’ve won 2 gold medals for Day 3 in the 200m PD2 Standard boat and Small Boat Categories. We also set a new world record for the PD2 standard boat and small boat. Na break natin ang previous world record in the previous world championship,” saad nito.

Sa Day 3 pa lamang, mayroon nang tatlong gold at isang silver medal ang Pilipinas sa kompetisyon.

Target ngayon koponan na makakuha ng gold medal sa 200-meter PD1 All-Paradragon category sa araw ng Biyernes, na susundan ng 2,000-meter standard boat races sa Sabado at Linggo.

Nagpasalamat naman si Maunes sa pagkakataong muling katawanin ang Pilipinas at pinuri ang mga paddlers, lalo na ang paradragon, sa kanilang ipinakitang husay at determinasyon.

“We are truly grateful for the opportunity and represent once again for the Philippines. I am very proud of our paddlers particularly their paradragons for doing their best,” saad ni Maunes.