KORONADAL CITY – Kasalukuyang nasa kustodiya ngayon ng pulisya sa Tupi, South Cotabato ang dalawang driver ng sasakyan matapos masagasaan ang isang lalaki at nagulongan pa ang ulo nito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Tupi chief of police Maj. Verlin Pampolina, kanila nang inihahanda ang mga karampatang kaso laban sa driver ng Toyota Hi-ace van na si Randy Ganayo at Jemmar Bayaton na minamaneho ang Hilux pick-up truck dahil sa aksidenteng pagkamatay ng biktimang si Lovidino Aguillon, 55, residente ng Barangay Palian ng naturang bayan.

Lumalabas sa imbestigasyon na habang tumatawid ang biktima, na-sidesweep ito ng van dahilan na natumba ito at nagulungan naman ang ulo nito ng sumusunod na pickup truck na nagdulot naman ng kaniyang agarang kamatayan.

Sumuko ang mga driver sa mga kasapi ng 1st South Cotabato Mobile Force Company matapos ang insidente.