ILOILO CITY – Binawi-an ng buhay ang isang lalaki matapos umanong sinadyang magpabundol sa pick-up sa Luna St., La Paz, Iloilo City.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Police Senior Master Sergeant Dennis Yee, Traffic Accident Investigator ng Iloilo City Police Office, sinabi nito na ang biktima ay kinilalang si Demetrio Mationg na dumadanas umano ng depresyon.

Ayon kay Yee, ang biktima ay iniwan ng kanyang kasintahan dala-dala ang kanyang motorsiklo at pera.

Ang biktima ayon kay Yee ay walang dalang identification card at unang inilarawan na nasa 50-60 anyos, nakasuot ng asul na t-shirt na may nakalagay na “2000”, dirty white na shorts, nakasintoron na pula at may pulang tsinelas.

Bago pa man ang aksidente, bibili pa sana ng gamot para sa high blood ang biktima.

Hindi na magsasampa ng kaso ang pamilya ng biktima dahil nangako naman ang driver ng pick-up na magbibigay ng tulong.