Todo ang pagbubunyi ng Los Angeles Lakers sa kanilang unang home playoff win makalipas ang walong taon.
Sa ngayon abanse na ang Lakers 2-1 laban sa Phoenix Suns matapos na itumba sa score na 109-95.
Muling nagsama ng puwersa ang powerhouse duo ng defending champion na sina Anthony Davis na may 34 points at 11 rebounds at si LeBron James na nagdagdag ng 21 points at nine assists para iposte ang ikalawang sunod na panalo sa first round ng NBA playoffs.
Nagdagdag din naman si Dennis Schröder ng 20 points para tumulong na pigilan ang huling rally na pagtatangka ng Suns.
Minalas ang Suns star guard na si Devin Booker na nagbuslo ng 19 points na na-eject habang may 35.4 seconds ang nalalabi na sinundan din ni Jae Crowder na pinatawan ng technical foul.
Ang Game 4 ay gagawin sa Lunes doon pa rin sa Los Angeles.
















