Pinaghihinay-hinay ng Department of Science and Technology (DOST) ang publiko sa paggamit sa mga halamang sinusuri pa lamang ng mga eksperto kung nakagagamot nga sa COVID-19.
Ayon kay DOST Sec. Fortunato dela Pena, bagama’t pabor sila sa paggamit ng mga natural na uri ng gamot, hindi naman basta inirerekominda ang mga ito, hangga’t wala pang nabubuong pag-aaral.
Sinabi ni Dela Pena na ilang uri na ng halaman ang inaprubahan nila para suriin, makaraang makitaan ng potensyal na kakayahang makatulong sa pagpapahupa ng coronavirus.
Pinakahuli rito ang lagundi na karaniwang matatagpuan sa maraming lugar sa ating bansa at ginagamit na lunas sa ubo.
Pero lumalabas na nagiging epektibo ito, kasabay ng iba pang sangkap.
Aprubado na ng DOST ang lagundi para sa clinical trial, ngunit wala pang “go signal” mula sa panig ng Food and Drug Administration (FDA).
Sisimulan ang trial sa Agosto 1, 2020, na pangungunahan ng mga eksperto mula sa University of the Philippines (UP).
Isa pang sinusuring panlaban sa virus ang virgin coconut oil, dahil sa anti-viral properties nito.