-- Advertisements --

Ipinaliwanag ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Senador Ping Lacson ang kumakalat na larawan niya kasama ang mag-asawang contractor na sina Curlee at Sarah Discaya.

Ayon kay Lacson, kuha ang larawan noong huling linggo ng Abril, kasabay ng pagtatapos ng 90-day campaign period para sa 2025 midterm elections. 

Bago ang nasabing pagkakataon, binisita siya sa kanyang opisina sa Taguig ng campaign supporter mula Davao na si Fred Villaroman, kasama ang anak ng pamilyang Discaya, na nag-imbita sa kanya para dumalo sa isang grand rally sa Davao.

Dumating din kalaunan ang mga magulang ng nasabing anak at tumagal lamang ng 15 hanggang 20 minuto ang kanilang pag-uusap.

Dagdag ni Lacson, magalang niyang tinanggihan ang imbitasyon na dumalo sa rally bilang pagrespeto sa kaibigan niyang si Senate President Tito Sotto III, dahil ang pamangkin nitong si Mayor Vico Sotto ay katunggali ng mga Discaya sa pagka-alkalde.

Binigyang-diin pa ng senador na hindi niya personal na kilala ang pamilyang Discaya, at iyon lamang ang unang at huling pagkakataon na nagkasama sila bago pa man lumabas ang imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee.