-- Advertisements --

Mariing pinabulaanan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang mga ulat na umano’y nakatanggap ng espesyal na pagtrato ang contractor na si Curlee Discaya matapos itong arestuhin kaugnay ng mga kasong may kaugnayan sa umano’y maanomalyang flood control projects.

Sinabi ni Remulla na walang katotohanan ang mga alegasyong pinoprotektahan si Discaya dahil sa umano’y koneksyon nito sa mga makapangyarihang personalidad sa politika.

“Mayroon kasing mga reports na dahil marami silang mga ka-deal na bigtime congressman, bigtime senators na poprotektahan sila,” ani Remulla.

Gayunpaman, nilinaw ng kalihim na tulad ng ibang detainees, ilalagay si Discaya sa regular na detention facility.

“They are here at ilalagay sila sa regular na selda, katulad sa mga senador na regular na selda rin,” dagdag niya.

Ipinaliwanag din ni Remulla na nasa hukuman ang kapangyarihang magpasya kung saan ilalagak ang isang akusado habang dinidinig ang kaso nito.

“Depende ‘yan sa judge kung saan ilalagay,” aniya.

Samantala, sinabi rin ng DILG chief na nagpapatuloy ang imbestigasyon sa umano’y flood control scam at inaasahan pa ang pagkakaaresto ng iba pang sangkot sa operasyon.

“Itong flood control mess ay moving forward makikita n’yo at sa mga darating pang panahon ay mas marami pa kaming mahuhuli,” pahayag ni Remulla.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng kalihim na siyam na sa labing-isang indibidwal na nahaharap sa kaso ang nasa kustodiya na ng mga awtoridad.

“As of now, ang 9 are already in custody. Si Pacifico Discaya was picked up at 7 ng umaga, sinundo siya sa Senate, pagkatapos dinala siya dito para sa inquest. Para maklaro lang, sa 11 na charge, 9 na ang nakakulong, yung dalawa po at large,” aniya.

Matatandaang nauna nang naaresto ang asawa ni Curlee na si Sarah Discaya, na kasalukuyang nakakulong sa Lapu-Lapu City Jail sa Cebu.

Magugunitang si Curlee Discaya ay siyam na buwan nang nasa kustodiya ng Senado matapos ipa-contempt noong Setyembre 2025 sa serye ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee bago siya muling arestuhin kaugnay ng mga kasong isinampa laban sa kanya.