-- Advertisements --

Nagpahayag si Pasig City Mayor Vico Sotto ng suporta sa mga hakbang laban sa korapsyon matapos arestuhin ng mga awtoridad ang contractor na si Curlee Discaya nitong Lunes, Hunyo 8, 2026.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), isinilbi ang warrant of arrest kay Discaya dahil sa kasong malversation kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects sa Bulacan.

Sa isang Facebook post, sinabi ni Sotto na umaasa siyang mas marami pang sangkot sa korapsyon ang papanagutin ng batas.

“Sana mas marami pa ang makulong,” saad nito sa post.

Bagaman nagpahayag ng pagkadismaya sa patuloy na mga isyu ng korapsyon sa bansa, sinabi rin ng alkalde na may nakikita siyang bahagyang pag-unlad sa kampanya laban dito.

“Minsan nakakadismaya na ang mga nangyayari sa ating bansa; iniisip ko na lang na ‘at least’ kahit papaano, may progreso,” dagdag ng alkalde.

Ipinunto rin ni Sotto na sina Curlee Discaya at ang kanyang asawa na si Sarah Discaya ay kabilang umano sa mga nakinabang nang malaki sa mga flood control project anomalies, kasama ang ilang opisyal tulad nina Leyte 1st District Representative at dating House Speaker Martin Romualdez at dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co.

“Pero hindi lang flood control ang pinag-uusapan dito. This is just one example of how evil minds can exploit our broken system,” giit ng alkalde.

Nanawagan din siya sa publiko na patuloy na bantayan at punahin ang mga iregularidad sa gobyerno upang mapilitan itong kumilos nang mas epektibo.

“Tomorrow, the same things will happen again, unless we continue to fight and de-normalize corruption,” aniya.

“So let’s keep doing our part. Stay informed, exercise critical thinking, and keep pressuring the government.”

“Siguraduhin nating hindi tayo magkakalimutan,” dagdag pa niya.

Samantala, matagal nang nasa kustodiya ng Senado si Curlee Discaya matapos ma-contempt noong Setyembre 2025 sa mga pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee. Nasa kustodiya naman ng Lapu-Lapu City Jail sa Cebu ang kanyang asawang si Sarah Discaya matapos ding maaresto kaugnay ng parehong imbestigasyon.