Nakahanda umano si Sen. Panfilo Lacson na tulungan ang Malacanang para tukuyin ang mga na-doble at overlapping appropriations sa P4.5-trillion 2021 national budget bill.
Ayon kay Lacson, isiniwalat na niya ang mga ito sa plenaryo, ngunit ipinilit pa rin ng ilang mambabatas na ipasok ang kinikwestyong parte ng pambansang pondo.
Kaya umaasa na lang ang senador na idadaan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa line veto ang pagtatanggal ng mga kwestyonableng alokasyon.
Partikular na nais mahabol ni Lacson ang tig-iisang milyong pondo para sa halos 800 multi-purpose buildings.
“It is clear that questionable items such as double and overlapping appropriations should be vetoed, along with at least 793 line items for multi-purpose buildings with a uniform P1-million appropriation each,” wika ni Lacson.
Sa nakaraang interpellation para sa bicameral conference committee report, inusisa nito ang P28.348-billion na pagtaas ng DPWH budget, kahit lumalabas sa record na underspending ang ahensya at maraming nasasayang na proyekto.