Usap-usapan ngayon sa showbiz ang paglabas nina Tom Cruise, 63, at Ana de Armas, 37, na magkahawak-kamay habang namamasyal sa Vermont nitong weekend, na tila kumpirmasyon sa matagal nang umiikot na tsismis tungkol sa kanilang relasyon.
Sa mga larawang kumalat online, makikitang magkasama ang dalawa habang namimili, at naglalakad nang magkahawak-kamay sa naturang lugar, matapos nilang dumalo sa isang Oasis concert sa London noong Hulyo 25.
Nag-trending si de Armas kamakailan sa X (dating Twitter) matapos niyang i-like ang isang kontrobersyal na Instagram post tungkol kay Nicole Kidman—dating asawa ni Cruise. Ipinakita sa post ang side-by-side photos ni Kidman noong 1996 at 2024, kalakip ang isang meme at quote mula sa isang panayam kung saan sinagot ni Kidman ang mga espekulasyon tungkol sa kanyang itsura—na tila patama umano rito.
Unang lumutang ang mga dating rumors kina Cruise at de Armas noong Pebrero nang mamataan silang nagdi-dinner sa London. Sinundan ito noong Abril nang i-pilot ni Cruise ang isang helicopter na sinakyan ni de Armas, kasunod ng mga paglabas nila sa mga parke at casual dinners.
Wala pang opisyal na pahayag ang dalawa ukol sa kanilang status.
Matatandaan na si Tom Cruise ay kilala bilang kasal kay Nicole Kidman at kay Katie Holmes, kung saan mayroon siyang anak na si Suki. Nakarelasyon din niya si Mimi Rogers.
Habang si de Armas naman ay dating asawa ng Spanish actor na si Marc Clotet at nakarelasyon sina Franklin Latt, Alejandro Piñeiro, at ang aktor na si Ben Affleck.
Nakilala si de Armas sa seryeng “El Internado” at lumipat sa Hollywood noong 2014. Sumikat siya sa pelikulang “Blade Runner 2049” (2017), “Knives Out” (2019), at “Blonde” (2022), kung saan ginampanan niya si Marilyn Monroe at nakatanggap ng Oscar nomination bilang Best Actress.
Hanggang sa ngayon, tikom pa rin ang bibig ng dalawang Hollywood stars tungkol sa kanilang tunay na relasyon.