Naantala ang inaabangang finals ng Mubadala DC Open sa Washington, D.C. bunsod ng masamang panahon.
Orihinal kasing nakatakdang magsimula ang laban nina Filipina tennis star Alex Eala at world No. 3 Jessica Pegula alas-12 ng hatinggabi (oras sa Pilipinas).
Ngunit dahil sa malakas na ulan at pagkidlat, halos tatlong oras itong naantala.
Nang maipagpatuloy ang laban, nakuha ni Pegula ang unang set, 6-4, at nanguna pa sa ikalawang set, 2-1.
Gayunpaman, muling itinigil ang laro bandang alas-kuwatro ng umaga dahil sa patuloy na pag-ulan at lightning delay.
Ayon sa tournament organizers, inaasahang magpapatuloy ang laban mamayang alas-5:30 ng umaga (oras sa Pilipinas), kung bubuti ang lagay ng panahon.
Si Eala ay naghahangad na masungkit ang kanyang kauna-unahang WTA 500 title matapos ang sunod-sunod na panalo laban sa mga world-class na kalaban, kabilang ang dating world No. 1 na si Naomi Osaka.















