Ikinagulat ni House Committee on Overseas Workers Affairs Chairman Jude Acidre ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na kumpiyansa itong maaabsuwelto sa isasagawang impeachment trial ng Senado kaugnay ng mga paggastos sa confidential fund at iba pang alegasyon.
Ayon kay Acidre nananatiling bigo si VP Duterte na maipaliwanag kung papaano nito ginastos ang kanyang confidential fund kasama ang P125 milyon na naubos sa loob lamang ng 11 araw noong 2022.
Sinabi ni Acidre, na isa ring Assistant Majority Leader sa Kamara, walang laman ang sinasabi ni Duterte na wala siyang kasalanan dahil patuloy pa rin nitong iniiwasan na sagutin ang mga alegasyong nakasaad sa Articles of Impeachment na inihain ng Kamara de Representantes.
Binigyang-diin ni Acidre na ang patuloy na paggamit ni Duterte ng malabong depensa gaya ng “national security” ay lalo lamang nagpapalalim ng hinala ng publiko sa halip na linisin ang kanyang pangalan.
Binatikos din ni Acidre ang mga naunang pahayag ni Duterte na tila minamaliit ang bigat ng mga paratang laban sa kanya.
Ayon kay Acidre, maaaring masyado pang maaga ang kumpiyansa ni Duterte sa kanyang kapalaran sa Senado, lalo’t mabigat ang mga akusasyon laban sa kanya.
Itinuro rin ni Acidre na habang may karapatan si Duterte na ipagtanggol ang sarili, nasa kanya pa rin ang responsibilidad na pabulaanan ang mga detalyadong natuklasan sa pagdinig ng House Committee on Good Government.
Hinimok rin ni Acidre ang Pangalawang Pangulo na itigil na ang pagsasangkot sa isyu ng kanyang pagiging taga-Mindanao o babae, dahil taliwas ito sa tunay na tanong na kailangang sagutin.
Binigyang-diin ni Acidre ang tungkulin ng Kamara na ipatupad ang Konstitusyon at tiyakin na ang lahat ng opisyal anuman ang ranggo ay may pananagutan sa kanilang ginagawa.