Pinawi ng Pagasa-Department of Science and Technology (DOST) at iba pang science group sa Pilipinas ang kumakalat na impormasyon sa internet na may mga parating pang malalakas na bagyo sa weekend at mga susunod pang araw.
Ayon kay Pagasa weather specialist Lorie dela Cruz, wala silang nakikitang bagong bagyo o kahit low pressure area (LPA) na papasok sa Philippine area of responsibility sa loob ng mga susunod na araw.
Bagama’t inamin ng weather specialist na may posible pang pumasok na mga bagyo sa taong ito, hindi aniya totoong papalapit na ang mga sama ng panahon sa ating bansa.
Sa hiwalay na pahayag ni Pagasa senior weather specialist Chris Perez, sinabi nitong hindi lahat ng nakikitang cloud formation ay nagiging bagyo at lalong hindi lahat ng nade-develop na tropical cyclone ay tatama sa ating bansa.
Maging ang grupong Earth Shaker Philippines ay hindi pinalagpas ang “fake news” ukol sa tila “parade of typhoons” sa silangan ng Pilipinas.
Anila, wala itong basehan dahil sa satellite data ng local at foreign waether agencies ay walang makikitang mga bagyo na tatama sa bansa sa loob ng susunod na linggo.
Paalala nila, maging responsable sana ang lahat sa paggamit ng social media, dahil marami na ang dumaranas ng trauma dahil sa mga nanalasang supertyphoon Rolly, typhoon Ulysses at maging ang Quinta at Pepito noong nakaraang buwan.
Idagdag pa raw sa alalahanin ang COVID-19 pandemic, na mahigit kalahating taon nang nakakaapekto sa ating bansa.