Malabong humupa sa lalong madaling panahon ang mga hamon sa seguridad sa West Philippine Sea bunsod ng tumitinding tensyon at agresibong pagkilos ng China sa rehiyon, ayon kay National Security Adviser Eduardo Año.
Sa isang forum, binigyang-diin ni Año na patuloy ang pagbabanta ng China sa West Philippine Sea (WPS) sa pamamagitan ng iligal na presensya, militarisasyon, at panggigipit sa mga mangingisdang Pilipino, lalo na sa Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal).
Ang patuloy aniya na pagbalewala ng China sa 2016 arbitral ruling at ang agresibong galaw ng kanilang coast guard at navy ay malinaw na paglabag sa ating karapatan. Kabilang sa mga taktikang ito ang mapanganib na maniobra, paggamit ng laser at water cannon, at pagpapaalis sa mga Pilipinong mangingisda.
Giit niya, hindi basta-basta isusuko ng Pilipinas ang integridad ng teritoryo nito. Ang WPS ay hindi lamang usapin ng teritoryo kundi ng kabuhayan, seguridad, at kinabukasan ng sambayanan. Ito ay mahalaga hindi lang sa atin, kundi sa buong mundo.
Bilang tugon, isinusulong ng pamahalaan ang pagbuo ng pangmatagalang polisiya para sa WPS upang masigurong tuloy-tuloy ang proteksyon sa ating karagatan anuman ang pagbabago sa pandaigdigang politika. Kasabay nito, pinapalakas ang kapasidad ng militar at maritime law enforcement, gayundin ang pakikipagtulungan sa mga kaalyadong bansa.
Dagdag ni Año, ang pagkakaroon ng matatag, credible, at self-reliant defense system ang isa sa mga pangunahing hakbang natin upang mapanatili ang ating soberanya at karapatang pandagat. (report by Bombo Jai )