Inamin ni Gigi de Lana na siya ay na-diagnose na may pericarditis, ilang araw matapos siyang makaramdam ng panghihina sa isang gig sa Samal, Davao del Norte.
Sa isang Facebook Live, tinukoy ng singer na ang pericarditis ay pamamaga ng lining sa paligid ng puso, na nagdudulot ng biglaang pananakit sa dibdib. Sinabi niya na minsan ay nakakaranas siya ng mga chest pain o “attacks” na walang anumang senyales.
Pinayuhan ng singer ang kanyang mga tagasuporta na huwag mag-alala dahil siya ay patuloy na minomonitor ng mga doktor.
Binanggit niya rin na ang musika at pagpe-perform ay malaking bahagi ng kanyang buhay, at nagbibigay ito sa kanya ng lakas at kasiyahan lalo na ang binibigay na suporta ng kanyang fans.
Pinayagan din siya ng kanyang mga doktor na magpatuloy sa pagpe-perform, basta’t sapat ang kanyang pahinga.
Kadalasang sintomas ng sakit na ito ang pananakit sa dibdib, pagkapagod, at panghihina.
Noong nakaraang linggo, kumalat ang mga viral video na nagpapakita kay Gigi ng pag-bagsak sa stage at binuhat pababa matapos magtanghal sa 28th founding anniversary ng Island Garden City of Samal.
Ayon sa kanyang management ang dahilan ng pagkawala ng malay ng singer ay dahil daw sa “extreme fatigue.”
Hindi ito ang unang beses na hinimatay si Gigi sa stage. Matatandaang noong Mayo 2023, siya rin ay nawalan ng malay habang nagpe-perform ng kantang “Noypi” sa Paoay, Ilocos Norte.
















