-- Advertisements --

Masayang ibinahagi ni Krishnah Gravidez ang karanasan bilang Miss World Asia sa ika-72 edition ng Miss World pageant na ginanap sa India.

Bagama’t hindi siya nag-expect, buong puso ang pasasalamat ni Gravidez sa karangalang natamo.

Nabatid na mahigit isang buwan siyang sumabak sa iba’t ibang aktibidad sa India, kabilang na ang sports challenge kung saan nagtapos siya bilang runner-up sa badminton laban kay Miss Canada.

Inalala pa ng beauty queen ang mga karanasan nito noong iniwan niya ang kalahati ng kanyang mga bagahe dahil sa naging aberya, ngunit tinulungan siya ng Filipino community sa India sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga damit at gamit.

Ibinahagi rin niya na matagal ang kanyang naging paghahanda, lalo na sa communication skills, Q&A training, at advocacy project. Aniya, ang layunin niya ay maging tapat at makatao sa bawat sagot na ibibigay sa kompetisyon.

Bukod sa titulo, naging malapit din si Gravidez sa kapwa kandidata mula sa Asia, kabilang si Miss Thailand Opal Suchata na kinoronahang Miss World 2025.

Samantala inaasahang lalahok si Krishnah sa iba’t ibang events at community projects kasama ang iba pang continental queens.

Nakatakdang bumalik sa Pilipinas si Krishnah sa mga susunod na araw.