-- Advertisements --

CEBU CITY – Tiniyak ng Police Regional Office (PRO)-7 ng iniimbestigahan na ang isang konsehal sa Cebu City matapos umano itong nag-post sa social media na namatay ang tatlong pasyente sa kanilang lungsod dahil sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Sinabi ni PRO-7 director B/Gen. Albert Ferro na kailangang ipaliwanag ni Councilor Niña Mabatid ang kanyang pahayag sa internet dahil nagdulot ito ng pag-panic ng mga Cebuano.

Kaugnay nito, inutusan ni Ferro ang Cebu City Police Office na imbestigahan ang controversial post na ikinukonsidera ngayon bilang “fake news.”

Dumipensa naman si Councilor Mabatid na “suspected case” lang aniya sa COVID-19 ang nasabing mga pasyente.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo kay Mabatid, sinabi nito na nag-alala lang ito sa kaligtasan ng kanyang mga kababayan nang makuha ang naturang impormasyon mula sa kanyang source.

Dagdag pa ng konsehal na wala itong intensyon upang magbigay-takot sa kanyang mga kababayan.

Samantala, hindi muna nagbigay ng pahayag si Mayor Edgardo Labella patungkol sa isyung hinaharap ng konsehal.