Muling isasailalim sa yellow alert ang Visayas grid mamayang gabi mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi ngayong Lunes, Agosto 10.
Ito ay bunsod ng unavailability ng pangunahing coal-fired power plants na sinabayan ng limitadong electricity import mula sa Mindanao.
Sa inisyung advisory, sinabi ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), na mayroong 2,350 megawatts (MW) available capacity sa Visayas grid, habang inaasahang aabot sa 2,276 MW ang peak demand.
Nagpapakita ito ng hindi sapat na operating margin mula sa contingency requirements o dagdag na reserbang kuryente na kailangan ihanda sakaling biglang masira ang pinakamalaking planta ng kuryente.
Sa ngayon, may kabuuang limang planta sa Visayas ang hindi available liban pa sa mahigit 20 na nag-force outaged simula noong 2021.
Habang may 13 iba pang planta ang nasa derated capacities, kayat kabuuang 909.8 MW ang nawala sa grid.














