-- Advertisements --

Pinag-iingat ng pamahalaan ang mga residenteng nakararanas ng pagbaha dahil maaari silang malagay sa panganib na magkaroon ng leptospirosis at iba pang sakit mula sa kontaminadong tubig.

Nagpaalala ang Presidential Communications Office (PCO) sa publiko na iwasang lumusong sa baha hangga’t maaari, lalo na sa mga lugar na patuloy na nakararanas ng epekto ng Habagat at malalakas na pag-ulan.

Ang leptospirosis ay bacterial infection na maaaring makuha sa tubig na kontaminado ng ihi ng infected na hayop, partikular ng daga. Mas mataas ang panganib sa mga may sugat, gasgas o bukas na bahagi ng balat.

Ayon sa Department of Health (DOH), kabilang sa mga sintomas nito ang mataas na lagnat, pananakit ng ulo at katawan, pananakit ng kalamnan at binti, pamumula ng mata, pagsusuka, pananakit ng tiyan o kasu-kasuan, at paninilaw ng balat at mata.

Hindi agad lumalabas ang mga sintomas matapos mababad sa baha. Maaari itong lumitaw makalipas ang ilang araw at sa ilang kaso ay umabot hanggang isang buwan.

Kaya pinapayuhan ang mga nakalusong sa baha na bantayan ang kanilang kalagayan at agad kumonsulta sa health center o doktor kapag nakaramdam ng mga sintomas.

Nagbabala rin ang DOH laban sa basta-bastang pag-inom ng doxycycline. Bagama’t maaari itong gamitin bilang proteksiyon matapos ma-expose sa baha, kailangan munang kumonsulta sa doktor dahil nakadepende sa antas ng exposure ang kinakailangang gamot at dosage.

Kung hindi maiiwasang lumusong sa baha, inirerekomendang gumamit ng bota at gloves at panatilihing malinis at tuyo ang anumang sugat o gasgas.

Agad ding hugasan ng malinis na tubig ang mga bahaging nadikitan ng baha at uminom lamang ng ligtas na tubig.