Patuloy na magdadala ng mga pag-ulan ang Southwest Monsoon o Habagat sa Luzon at kanlurang bahagi ng Visayas ngayong Martes, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Batay sa 24-hour weather forecast ng PAGASA, asahan na ang paminsan-minsang pag-ulan sa Metro Manila, La Union, Benguet, Pangasinan, Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Rizal, Cavite, Batangas, at Occidental Mindoro.
Maaari ring makaranas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Western Visayas, iba pang bahagi ng Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, MIMAROPA, Central Luzon at CALABARZON.
Samantala, nakabadya naman ang localized thunderstorms sa iba pang bahagi ng bansa.
Nagbabala ang state weather bureau sa posibilidad ng flash floods at landslides kapag nakaranas ng malalakas na pag-ulan at thunderstorms.
Samantala, patuloy ding mino-monitor ng PAGASA ang isang Tropical Storm na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility.
Huli itong namataan sa layong 3,205 kilometro silangan ng extreme Northern Luzon.
Taglay ang maximum sustained winds na 75 kilometro kada oras malapit sa sentro at pagbugsong aabot sa 90 kilometro kada oras.
Kumikilos ang bagyo pasilangan sa bilis na 35 kilometro kada oras.
















