-- Advertisements --

speakerbriefing1

Tiniyak ni Speaker Martin Romualdez na bukas ang House of Representatives na makipagtulungan sa parlyamento ng ibang bansa partikular sa mga usapin ng magkatugmang interes para mapalakas pa ang relasyon ng Pilipinas sa mga ito sa pamamagitan ng Parliamentary Friendship Associations.

Sinabi ni Speaker Romualdez na ikalulugod nito at ng Department of Foreign Affairs (DFA) na makipagtulungan sa kanila sa larangang ito.

Sa nasabing okasyon ipinahayag ni Romualdez ang kanyang pasasalamat sa diplomatic corps na tumulong sa mga miyembro ng Kamara na bumisita sa kanilang mga bansa upang mapalakas ang pakikipag-ugnayan ng Kongreso ng Pilipinas sa parlyamento ng ibang bansa.

Nais ni Romualdez na muling buhayin at pasiglahin ang inter-parliamentary ties sa ibang mga bansa.

Aniya, muling aasa ang Kamara sa kanilang tulong para sa pagho-host ng Pilipinas ng Asia-Pacific Parliamentary Forum sa Nobyembre at ang unang BIMP-EAGA (Brunei Darussalam-Indonesia-Malaysia-Philippines East ASEAN Growth Area) Parliamentary Forum na gaganapin sa susunod na taon.

Ang briefing ay inorganisa ng DFA at dinaluhan ng mga diplomat sa Maynila at mga tauhan ng DFA.

Sa nasabing pulong muling binanggit ni Speaker Romualdez ang mantra ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na: “The Philippines is a friend to all and enemy to none.”

Ipinunto naman ng house leader na ang mga immunity at prebilihiyo na ibinibigay ng gobyerno sa mga diplomat ay pagpapahiwatig ng pakikipagkaibigan ng Pilipinas sa ibang bansa.

Pinuri rin ni Speaker Romualdez ang DFA sa pagsasagawa ng briefing at nagpasalamat kay DFA Secretary Enrique Manalo sa pag-imbita sa kanya.