Pumalo sa P2.003 trilyon ang kabuuang koleksyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) mula Enero hanggang Hulyo 2026, kung saan nalampasan nito ang target na P1.990 trilyon para sa nasabing panahon nang P13.53 bilyon o 0.68%.
Ang pito-buwang koleksyon ay mas mataas din nang P102.60 bilyon kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, na nagpapakita ng 5.4% na year-on-year growth.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin R. Mendoza, nakakolekta na ang ahensya ng humigit-kumulang 60% ng kanilang kabuuang target para sa buong taon ng 2026.
Binigyang-diin niya na reflective ito ng tumataas na compliance ng mga taxpayer at ng tuloy-tuloy na pagsisikap ng mga Revenue Region, Revenue District Office, at ng Large Taxpayers Service.
Para sa buwan lamang ng Hulyo, umabot sa P358.44 bilyon ang gross collection ng BIR, na lumagpas sa monthly target na P336.07 bilyon nang P22.37 bilyon o 6.66%. Mas mataas din ito nang P19.41 bilyon kumpara noong Hulyo ng nakaraang taon (5.73% growth).
Ipinahayag ni Mendoza na patuloy nilang ipapatupad ang limang-point reform agenda na “BIR DARES” upang mas palawakin ang digital services, padaliin ang mga proseso sa pagbabayad ng buwis, at mahigpit na ipatupad ang batas laban sa mga hindi nagbabayad nang tama.
















